Gudbay para sa isang
makata (kantula)
Tulad ng yosi,
nauupos.
Tulad ng alak,
nauubos.
Tulad ng boses,
napapaos.
Tulad ng awit,
natatapos.
Sabi nga, lahat ng may
simula ay may katapat na katapusan.
(Pero bakit patuloy pa
ring nakagapos
at ang bitin pa nga’y
ang tangkang paghuhulagpos?
Bakit ang mga tanong,
hindi maubos-ubos
at kasagutan ay
kadalasang hindi lubos?)
sagot na naman ba’y
ewan.
bakit kung sino ang
dapat
maiwan ay
siya pa ang nag-iiwan
ng paalam?
Tulad ng rosas,
nalalagas.
Tulad ng kulay,
kumukupas.
Tulad ng oras,
lumilipas.
Tulad ng buhay,
nagwawakas.
Sabi ko, lahat ng
katapusan, kawalang bagong pinagmumulan.
(At kung hindi man
magwakas ang akmang pag-alpas,
ang pagnanasa ay
patuloy na magniningas.
At kung mga sagot man
ay tila umiiwas,
sa paglalakbay ay
patuloy na papagaspas)
at ang tula ay hayaan
dahil kung ang maiwan
man
ay paalam,
may sining naman na
walang kamatayan.
may ningning ang
paalam,
maningning... ang
paalam,
paalam, paalam...
-kantula
sa panahon man ng paglisan at paalam, rock on...
No comments:
Post a Comment