Pansampung Pabaon ni Inang: Serbesa
ng Pagkakaisa
(Pakikibaka
sa Kabayong Pula)
(Kiss
Sabay Hug)
Ang mapangahas na
pakikipagsapalaran ng kantula sa mga kanto’t kalye ay paglalayag ng isang
barangay sakay ng isang bangka. Sa kanto’t kalye ng karagatan, dinig ang tinig
ng The Dawn, “Iisang bangka tayo, anuman ang mithi ay makakamtan natin…” May kumana
naman na parang si Doraemon ng “Row, row, row your boat, you look like a goat.
Meeh, meeh, meeh, meeh, meeh, meeh, meeh… your beard will prick your throat.” Sa
kanto’t kalye ng kasaysayan, pagkatapos maging Negritos Islands ang precolonial
Pilipinas, sumunod naman ang pagdating ng mga Indones. Pagkatapos ay dumaong
ang mga pamayanang nakasakay sa mga bangkang balangay. Sila ang mga barangay ng
Malay na sinundan naman ng barangay ginebra sa pangunguna ng gin kapitan(si
Harmond ang susunod na kapitan ng barko,
pero maglalayas at maglalayag muna siya sa balsa ng sasa ng saging).
H’wag lang
sosobra ang espiritu ng alak sa Barangay Tagay at maaaring humantong sa away,
sa unipormeng kahel ang kulay, sa sakit sa atay, o sa jackpot na lamay at hukay.
Ang positibo sa konsepto ng barangay gInebra ay ang espiritu ng tunay na
samahan. Camaraderie ba, yun bang united we stand, divided by none, cannot be,
borrow one…
Ang banda, ang barkada, ang buong bansa,
dapat parang barangay ginebra. Isang barangay sakay ng isang bangka, sama-sama,
nagkakaisa. Dapat walang iwanan kasi ang maiwan pagpipistahan ng mga pating (hindi
lang ikaw ang anak ng Dios kaya makisama ka kung ayaw mong maiwan sa Jaws).
Pero
sa totoo lang, kung ang banda nga, kahirap mapag-isa, ang buong bansa pa kaya?
Mahirap kung may kabanda kayong kups ang ugali. Kunwari ‘yung super gulang sa
lahat ng bagay, sa chicha, sa toma, sa yosi tapos biglang invisible pag
patak-patak na sa bayaran. Gusto palang manggulang, bakit pa nagbanda? Wala
pang anak, magulang na! Kups ‘yung mukhang pera, ‘yun bang parang walking jukebox
na kaya lang tutugtog ay kapag may perang inihulog. Gusto palang magparami ng
pera, bakit pa nagbanda? Dapat pumasok na lang sa pulitika. Dun s’ya
magpakapunks at maraming kapwa-kups doon. Kups din ‘yung superpogi, ayaw
masapawan, laging pakyut, feeling rockstarsuperstar, lahat ay alam, lahat ay
siya na. Gusto palang maging diyos, bakit pa nagbanda? Magpapako na lang kaya
sa krus pero sa singit ang pako para madaig si Jesus Christ Superstar.
Kung sa banda,
merong mga kups, gaano karami pa kaya ang kups sa ating bansa? Kaya paano pa
kaya magkakaroon ng pagkakaisa?
Mas
mapapadali ang pagkakaisa kung makikiisa ang bawat isa at walang kups na
kasama. Kunsabagay, ang mapangahas na pakikipagsapalaran ng kantula sa mga
kanto’t kalye ay paghahanap ng sarili, pagtatama ng mali, pag-iisip ng
nakabubuti para sa mas nakararami at pagsasantabi ng hangaring makasarili. Ang
pagiging rakista ay hindi lang sa husay ng pagtugtog o pagkanta, ang pagiging
rakista ay pagkakaroon ng the right rockin’ attitude! Hindi bagay sa banda at
rakista ang may attitude problem. Dapat ay bukas sa pagbabago. Open happiness,
open open-mindedness.Pag sarado ang utak mo, buksan mo. Kung ‘di kaya ng
abre-lata, gamitan mo ng palakol. Rakenrol!
Sa
panahon ng pagkakaisa o kaya’y pagkakanya-kanya, nagpapabaon si Inang ng
ispeysyal na inuming nagpapaalala ng sarap ng samahan- ang serbesa. Kung
inaakala n’yong imposibleng si Inang pa mismo ang nagpapabaon ng alak sa banda,
isipin n’yo ngang sa ‘Laklak’, kay lola pa humihingi ng pangtoma. Sabi pa ni
Inang, dalawa lang naman ang dahilan kung bakit umiinom- ang una ay kung may
dahilan at ang ikalawa ay kahit walang dahilan. Tagay na!
Kung
hindi nga naman maidaan sa mabuting usapan, pwedeng idaan sa maboteng usapan. Ang
problema, kahit pag-awayan, magkasuntukan na o magsabunutan o magbunutan ng
buhok kung saan-saan ang magkakabanda, ang mahalaga mapag-usapan. At sa huli,
isipin ang samahan at panatilihin ang pagkakaisa at inumin na ang serbesa.
Magtagal na sa boso ‘wag lang sa baso. Cheers!
Baka-sakaling
magsilbing boses sa ilang ang kahit pa nakakailang pero kahit paano’y nakakalibang
na boses na basag at sayaw na bangag ng kantula, aba’y mahaba-habang inuman
‘yan. Uminom nang tama at pag may tama ka na, mamulutan na lang, ’wag lang
gawing kanin ang pulutan at baka tamaan ka. Pag ang tingin mo na sa kainuman
mong mukhang tokwa ay mukha na’ng dyosa ng paglaya, at hihilingan mo pa ng kiss
sabay hug, aba’y baka may juice, magchaser ka na lang, p’re. Umuwi na hangga’t
may tino pang natitira at alam mo pa kung saan ka nakatira. Mag-ingat sa paglalakad
at baka madapa. Kung mapatid man, siguraduhing makakatalisod ng swerte at hindi
makakatapak ng tae.
Kung
magkakaisa ang lahat ng mga banda sa mithiing itaas ang rock para maging
makabuluhang sining at hindi lang makasariling ego-boosting machine, toast! Para
sa Rock Renaissance ng Pinas!
Kung
magkakaisa ang lakas ng kamada ng masa at ratsadang rakista, panalo ang buong barangay.
Sa kabayong pula, sumakay ka pa!
Pakikibaka sa Kabayong Pula by kantula
Ang lakas ng dating, wow kaykisig-kisig
Ang lakas ng tama, oh astig na astig
Laing, gising-gising, lechon, sizzling sisig
Ipartner na’ng hilig sa kilig at lamig!
Bida ka sa bida, bukambibig lagi
Sinisintang sarap ng bibig, ng labi
Hebigat ang tama, pero swabeng-swabe
Hanggang huling patak, said, sagad, sige!
Alam mo ang tama, alam mo ang tumpak
Alam mo ang sipa, alam mo ang tadyak
Alam mo ang marka, alam mo ang tatak
Ang kabayong pula, tiyak na tiyak
Ang tunay na tapang ng pakikibaka
Ay rumaragasa pag nagsama-sama
Kamada ng masa, ratsadang rakista
Tara, arangkada sa kabayong pula!
Kiss Sabay Hug (Halika, Ako’y Hagkan at Halikan) by kantula
Hagkan mo ako nang ubod-higpit
Halikan ako nang paulit-ulit
Halika, hagkan natin ang langit,
Halika, halikan natin ang langit
Sa malagkit mong yakap, misteryosa kong mutya,
Kumakatok kang kuto sa aking kaluluwa,
Labi mong dumadampi, mahiwagang diwata
Dumadalaw na dikya sa dila ko at diwa
Kaso lang, nakakulong ang aking kaluluwa,
Saka nakakadena ang kawawang kong diwa.
Ako ba ay kakasa, ako ba’y kakawala?
Ay! Dagdag ka pang kaso, oh mutya kong diwata
Ikaw ba’y nanliligaw o ika’y nanliligaw?
Kung ako ma’y umayaw, bakit di makaayaw?
Kung gustuhin ko mang ang paglaya’y isigaw,
Kapangyariha’t lakas, agimat ko ba’y ikaw?
Dusa ba’y matutunaw, diosa ba’y matatanaw?
Ang puting palasyo ba ng
diablo’y magugunaw?
Bibig at bisig mo’y bighaning pumupukaw,
Pag-asang tumatanglaw, diliryong umaapaw
Pinalakas ng mga
pabaon ni Inang, ang mapangahas na pakikipagsapalaran ng kantula sa mga kanto’t
kalye ay nagpatuloy hanggang sa mapadpad sa Bagong Banda Search ng Tunog Kalye
at doo’y pinalad na makatalisod ng swerte. Sensibility sexed by stupidity shall
conceive serendipity.
Dininig
ng diyosa ng Dyna ang panalangin at daing ng banda bandido kantula at dinulutan
ng pagpapala. Salamat po sa Dakilang Lumikha sa biyaya.
Dinala ng diwata
ng Dyna sa panibagong dimension ang pakikipagsapalaran ng banda bandido
kantula. Ang mapangahas na pakikipagsapalaran ng kantula ay kasalukuyang naglalakbay
sa kalat-kalat na kapuluan at kulot-kulot na kabalbonan, gumagalugad ng kweba
ng pugad at pusod ng hubad at puwit ng tuwad, nakikitagay sa mga anti-atay, nakikisindi
ng yosi sa kapre at nakikikape sa dwende, nakikitambay sa mga nagpapatay ng
oras at nag-aagawbuhay at nang-aagaw-armas, pag malasado sa malas ay sumusuot
sa mga gusot at lumulusot sa mga sigalot, sumisisid sa himpapawid, lumilipad sa
karagatan, lumalanding sa kawalan, sumesemplang sa walang hanggan, pumapailanlang
sa kalawakan, pumapaloob sa kamalayan.
Dala ang patnubay
ng DynaMusicMagic, patuloy na kumakanta, tumutula, tumutulay ang kantula. Ang
mapangahas na pakikipagsapalaran ng kantula ay pinapadaan sa pagpapanday at
pagpapadalisay upang tumibay ang rock na taglay tungo sa tamis ng tagumpay.
Dala ang bisa at
birtud ng DynaMusicMagic anting-anting, ang buong lupain ay patuloy na
kakantulain. Buong lakas-loob na babagtasin at aantigin ng banda bandido
kantula ang mga kanto’t kalye ng pandinig at pang-unawa ng kabataan at
sambayanan.
Patuloy ang
mapangahas na pakikipagsapalaran ng kantula sa mga kanto’t kalye para sa
pag-asa, para sa pagpapakumbaba, para sa paglaban sa hamon, para sa paggalang,
para sa pag-ibig, para sa paglaya, para sa pakikibaka, para sa pagbabago, para
sa pangarap, para sa pagkakaisa.
Mula sa mga
kanto’t kalye ng baryo, lumuluwas na ang kantula, ang banda makata rakista ng
masa, nag-isstroll sa mga mall, at ngayo’y available for all, sa inyong suking
tindahan at record stores.
Beep,
beep, beep, beep, sabi ng Juan Dela Cruz sa jeep. Para po sa tabi, manong
drayber ng dyipni. Sa pagbaba, biglang may nakasabit na nagsalita. “Tuloy lang
tayo sa byahe kahit pa maraming punks sa kalye. Kung ako ngang tagapagligtas na
raw ng mundo, tinalikuran pa rin ako ng buong mundo. Inalisan ako ng dangal,
inalipustang masahol pa sa kriminal. Gumawa na nga ng milagro, naghasik na ako
ng pagbabago, ang napala ko, hindi lang basta-basta ibinaon ang aking pagkatao,
ibinaon pa nila sa akin ang mga pako. Pinasan ko na ang krus at kalbaryo ng mga
tao, sa huli ako pa ang ipinako sa krus at kalbaryo. Mga bro, ako ang napunks nang husto. Hindi
ako punks. Rakista ako. I rock. Let us rock the world.”
Humarurot na ang
dyip. Long hair ang nakasabit sa estribo. Wow ang porma, cool na cool,
rakenrol. Ang kantula may tibak sa ulo, si Mr. Cool may tinik sa ulo. Ang
kantula nakaboxer shorts, si Mr. Cool, nakatapis ng tela lang. Aha! Isang pambihirang
nilalang. Eto na nga siguro ang kanto’t kalye ng pasakalye ng kantula!
(At ayon nga sa
kwentong pambata, at tsismis ng matanda,
and they lived happily ever after… for now. Hoy, bumalik ka na sa
eksena, Gwapoging Kenneth, patapos na ang kwento. Salamat po. The end. Eto po
ang pagtatapos pero merong pagkatapos.)
No comments:
Post a Comment