Pansiyam na Pabaon ni Inang: Tuna Panga ng Pangarap
(Revolutionary Love Affair)
(Paano
Gaano Pag-ibig)
Ang mapangahas na
pakikipagsapalaran ng kantula sa mga kanto’t kalye ay pangangalap ng mga paraan
para marating ang pangarap.
Sa panahon ngayon
ng taghirap, akalain mo bang may libre pa rin? Libre raw ang mangarap. Pero ito
ang katotohanang masaklap. Ang pangarap pag gusto na nating matupad, dun na
kailangang magbayad.
Eto pa ang lalong
masaklap. Mentras na tayo ay mas mahirap, mas lalong malaki ang dapat ibayad. Yung
mayayaman ay mapapalad dahil kaya na’ng abutin ang ulap sa bahagyang
pagtingkayad. Pero ang maliliit, kailangan ng malupit na pagpupumilit at
pamimilipit.
Ano ang kabayaran
para matupad ang pangarap? Magsikap, magsipag, lumaban, magpakatatag, sunggaban
ang oportunidad, sumampalataya, h’wag bumitaw kahit ilang ulit pang pumalpak, bumagsak,
lumagpak, lumagapak…
Para makatipid,
nakagawian na ni sir X kantula na magluto ng baon nilang pagkain para sa
pagluwas at parang picnic na nilalantakan ng banda sa mga parking area o
gasolinahan. Minsang madalas, pinagsasaluhan nila ang ‘tinumbang tuna (de
latang pag ‘tinumba ay di na ubra maski para sa tumbang preso, marami nga
palang political prisoners nagiging tumbang preso). Pag kumakain, parang mga
bogsang nakatira ng katol o kaya’y kalampunay na kanilang napapag-usapan ang
mga pangarap ng bawat isa.
“Pag sumikat na
ang kantula at kumita na tayo kahit konti, gusto kong makapag-aral uli.”
Pagkagradweyt ng hayskul ay hindi na nakapagcollege si Gwapoging Popol ng
kantula dahil wala na’ng pampaaral ang kanyang balong nanay.
“Ako gusto ko
talagang magkadegree mula sa UP College of Music. Kaya nga lagi kaming
nagjajamming ni Master Paul Gilbert.” Si Gwapoging Jose ng kantula nag-aral na
ng computer course, nakaenrol sa UP
college of Music, nagtitinda pa ng buko juice habang of course, nagpapraktis
maggitara.
“Magtatayo ako ng
sarili kong iskul para sure na tanggap ako sa admission. Sesante rin ang titser
na magkikick-out sa ‘kin!” Si Gwapoging Kim ay Valikdictorian. Meron na’ng
degree, muntik na ring magka-Phd sa tagal ng pagtambay, ‘di lang pala pagtambay
kungdi pagcamping sa hayskul. Nagpakadalubhasa nang husto sa Level 2! Parang
nanunumpang boy scout, naka-two fingers pa sa kanyang struggle si punKim.
“Ako, pag sumikat
at nagkapera na ang banda natin, bibili ako ng bagong brief.” Si Gwapoging
Denys ng kantula ay taga-La Sal…sala- sala na ang buhok sa buong katawan, hindi
pa rin gradweyt.
“Balang-araw sana
magka-TT na ako.” Seryoso si sir X kantula habang bumubulong nang nakayuko.
“Sabog ka siguro,
sir. Wala ka ba n’yan? Ano ba ‘yang nakatago sa ‘yong boxer? Pahipo nga.” harot
ni Gwapoging Popol ng kantula.
“Tono. Tyempo. Sanamabeat,
kahit papa’no, pusang inaso, magkaka-TT rin ako!”
“Pag nagka-TT ka
sir, bibili ka rin ng bagong brief?” questune ni Gwapoging Denys ng kantula sa
sinkopikadosintonadosintusinto.
“‘Di baleng
mawalan ako ng brief basta magkatibak sa ulo ang bawat tao.” Seryoso si sir X
kantula habang nakatanaw sa malayo.
Someday, we’ll
know bakit may nagkikiss my ass, you con-ass…
“Tutulong ako sa
mga batang tumutugtog para makasali sa Tunog Kalye, bubuo ako ng banda para sa
kanila at para makapasok sila sa Top 10 at sa countdown, ang magiging pangalan
ng banda nila ay Count to Ten.”
“Tutulong ako kay
Mar Roxas na matupad ang pangarap niyang makaahon ang mga mahihirap na
nagpepedicab. Para maging matatag ang trabaho ng mga magtatraysikad, magtatayo
ako ng call center, ang Padyak Call Center.”
Gaano pa bang
protina ang dapat ibigay ng de-latang tuna nang lalong tumaba ang utak at
sumustansya ang imahinasyon ng kantula?
Sa kalsadang kung
tawagin ay Roxas Blvd., ang mapangahas na pakikipagsapalaran ng kantula sa mga
kanto’t kalye ay muntik na’ng biglang magwakas. Pangarap noon ni sir X kantula
ang makalapit sa mga sikat na Pinoy bands na nasa NU Rock Awards kaya’t lumuwas
siya ng Maynila. Pagbaba mula sa orange na kakarag-karag na PUV sa may CCP,
naglakad na siya sa madilim na gilid ng Roxas Blvd. papunta sa World Trade
Center. Tamang-tama at madilim, naisuot niya ang mahabang wig nang walang nakakakita
kaya feeling complete na siya sa pagiging rakista. Kaso, delikado rin pala ang
dilim dahil may mga bahagi ng kanal na walang takip, jackpot kapag
nahulog. Malayu-layo rin pala ang
madilim na tatahakin. Walang ibang naglalakad, mukhang mali ang desisyon niyang
doon magdaan at medyo gumana na ang kanyang pang-amoy Wolverine sa panganib na
paparating.
Inilagay niya ang
backpack sa harap. Anumang sandali ay maaaring may mambulaga mula sa dilim. Naaninag
niyang may kasalubong siyang isang lalaki. Lumingon siya sa likuran, may
kasunod na rin siya. At may isa pang papatawid papunta rin sa direksyon niya.
Mabilis ang
sumunod na pangyayari. Naakbayan na siya ng lalaki mula sa likuran at natutukan
na siya ng patalim sa tagiliran. “Selpon at walet mo.” Sumalubong na rin yung kasabwat
na kawatan at sumabay sa paglakad.
Checkmate na
‘ata. Pero mabilis din ang countermove. Ang tawag n’yang tulong sa taas ay agad
‘tinugon. Tinaktak ng langit ang tone-toneladang protina ng tuna sa kanyang
katawan at utak kaya’t mabilis siyang nakapagplano nang tumpak. Papalapit na
ang kanilang paglakad sa open manhole at hindi pansin ng may hawak ng panaksak.
“Teka, kukunin ko sa bag ko. Wag mong masyadong idikit, natutusok ako, ‘di ko
madukot,” alibi ni sir X kantula. Nang medyo pakawalan siya ng holdaper, agad
niya itong itinulak sa butas ng kanal. Swak slam dunk! At siniko niya ang kasabwat
nito saka sinundan ng isa pang sapak. Dun sa pilit umaakyat sa lampas-taong
butas, nagpasouvenir pa siya ng tadyak. Bago pa makalapit ang isa pang
papatawid na hoodlum na bumunot na rin ng balisong, kumaripas na siya ng takbo
habang sa ulo ay nakahawak para ang wig ay ‘di malaglag. Bawat hakbang ay tiyak
dahil dead on the spot pag pumalpak.Biglang naging malapit ang World Trade
Center para sa biglang naging 500m dash runner na long hair. “Gagong mga ‘yun.
Nagulo tuloy wig ko.” Bad hair day… and night. What a nightmare!
Pagdating sa
venue, may bayad pala para makapasok. Kung bibili ng ticket, mawawalan siya ng
pamasahe pauwi sa probinsya. Tinablan na rin siya ng gutom dahil sa ginawa
niyang pagtakas sa mga hudas. Pasimple niyang dinukot sa bag ang baon niyang
monay na may palamang tuna. Sa kapangyarihan ng carbs at protina ng tinapay na
may tuna, ang mataba niyang utak ay muling gumana. To the backstage!
Sa backstage
matiyaga siyang naghintay sa paglabas ng mga banda. Nakapanood pa siya ng
kakaibang eksena. Habang nag-iislaman sa loob ng venue ang audience, iniislam
rin ng mga parak ang mga pinagsususpetsahang snatcher at holdaper. Batuta, bayo
ng boga, sipa, suntok, sampal, tadyak… punks na punks ang mga pulis Parang
bagong huling tuna sa pier na isinasalya sa police patrol ang mga inaakusahang
kawatan. Naawa naman siya sa mga nabiktima ng police brutality pero nasa isip
rin niya na siya mismo ay muntik na ring maging biktima ng holdap at homicide ng
sinuman sa mga iyon. Pwede nga ring siya’y naging punks is dead casualty at
maheadline- “Rakistang nakawig, napunks ng holdaper, patay!’
Sa backstage nakipagpatintero
siya sa mga gwardya para sa tsansang makita ang mga sikat mapa-Bamboo, Parokya,
Rivermaya, 6Cycle, Hale, Dicta, Jr. KIlat, Orange, atbp.(wala nga lang ang San
Jose Elem. School Drum and Bugle Band at Banda Katorse at Buenaventura doon, eh
sikat din naman sila) Kung sino ang
malapitan niya, binibigyan niya ng itim na aklat. Hindi na mahalaga kung ano
ang naging reaksyon ng mga nakatanggap, para sa kanya masaya na siyang
naibahagi niya ang kanyang sining sa mga kinikilalang alagad ng musika. Isang
natupad na pangarap sa kabila ng mga panganib at paghihirap. Rakenrol!
Sa pagluwas para
sa mga gig, sa recording, sa photoshoot, atbp. muling tumatahak ang mapangahas
na pakikipagsapalaran ng kantula sa mga kanto’t kalye para marating ang bagong
pangarap. Minsang madalas pa ring nasasagupa ang adbentyur sa mga kanto’t kalye-
holdap, karnap, at iba pang kwento ng engkwentro, walang pera at pamasahe,
gutom, trapik, walang gitara at ibang gamit (salamat Pau sa pinahiram na bass
at Repang A sa rainmaker), walang stick, walang string, walang brief, walang
G-string, walang trabaho, walang makain, cellphone na nawala/nasangla/nabenta,
naligaw, naligaw na naman, lagi na lang naliligaw, napunks ng mga tambay,
gwardya, pulis, MMDA at LTO, naubusan ng pera nangutang kay prinzsangko at kung
kani-kanino (makakabayad din po, ilista n’yo sa tubig nang libre dilig at agad
tutubo, salamat po), and other living brands and print ads for details. Pero
tuloy pa rin ang kantula. Malay natin, baka makatalisod din ng swerte.
“Ano ba pudtrip
natin, sir?” tanong minsan ni gwapoging Popol ng kantula.
“Grow old with
you.”sagot ng tigasin ng banda bandido- tagaluto, tagamaneho, tagabuhat, tagasulat,
tagaboka, tagatira, atbp.
Nagtaka ang mga
kabanda sa sagot. “Bakit grow old with you?”
“Di ba healthy
meat ang tuna, pampahaba ng buhay. Hehe”
Inilabas nila ang
ulam. “Wow, totoong tuna, panga, me mata pa, hindi yung de lata!” (pasalubong
ni dikongkingkong mula sa Gensan). Minsan isang araw, makakatalisod din ng
swerte. Makakahuli at makakatikim rin ng big fish.
Buhay
ang ating pangarap Hindi matutuyo ang balon ng pag-ibig para patuloy na buhayin
ang daigdig. Basta’t kumilos tayo. Galaw-galaw nang ‘di pumanaw. Tuparin mo, pangarap
mo man ay makabingwit ng malaking isda o makabili ng bagong brief o
makabuluhang pagbabago sa lipunan.
Revolutionary Love Affair by kantula
When I love, I give it all
But when I leave, I leave as a whole.
I offer the most delicious Marx fried chicken
Dialectically served
With socially saucy pancit canton.
A dreamer sleeps and dreams
Then wakes up and acts.
A visionary must be a revolutionary.
Visionary (for the vision)
Revolutionary (of the revolution)
Thinker, doer-
(think and do)
Lover power,
(Love, love)
The best damn lover,
The best packin’ power, yeah! (that’s kantula, love
me, baby)
When I love, I act, I do.
When I feel love, I make love.
I act my love out, I act….
I act my love, ooooohhhh
(mga linya ng kantulang hango sa “Iniibφg kita;
kaKANTULAin kita, kantula donamor X aklat Xperimental” )
Paano Gaano Pag-ibig? by
kantula
Gaano kalawak ang lawak ng kalawakan?
Gaano kalalim ang lalim ng kalaliman?
Gaano kalinaw ang linaw ng kalinawan?
Gaano man ang tanong, ang pag-ibig ay pakinggan
Paano pupunan ng pag-ibig ang sinaid ng manlulupig?
Paano pupunasan kung umapaw man at maging liglig?
Paano papahirin ang tumulong luha ng pananabik?
Paano papawiin ang pagnanasang galit na galit?
Maging sa kawalan, hanggang kalahatan
At sa kalawakan, hanggang kalooban
Hangin man o ulap, hanggang alapaap
Malayang maglayag, pag-ibig paglipad
Paano madidilig ng pag-ibig ang pusong ligalig?
Paano mag-iigib ng tubig sa balon ng pag-ibig?
Paano mag-iigib sa balon ng puson ng iniibig?
Paano dadaloy sa pusod ang dagta ng daigdig?
Gaano kalaki ang laki ng kalakihan?
Gaano kalayo ang layo ng kalayuan?
Gaano kalaya ang laya ng kalayaan?
Gaano man ang tanong, ang pag-ibig ay pakinggan
No comments:
Post a Comment