Wednesday, July 13, 2011

Pampitong Pabaon ni Inang: Nilagang Baka ng Pakikibaka


Pampitong Pabaon ni Inang: Nilagang Baka ng Pakikibaka
(EDSA…)    (Super Pinoy)
            Ang mapangahas na pakikipagsapalaran ng kantula sa mga kanto’t kalye ay isang pakikibaka.
Kailangang maging mandirigma kapag nahaharap sa pakikipagtuos sa matigas na baka sa nilaga. ‘Wag magpatalo sa bulalo!
Minsan, habang sarap na sarap ang tropa ng kantula sa paghigop ng sabaw ng nilaga, parang nananadyang suminga ang isang nag-aastang siga. Naalarma ang barkada at banda, nagwala na ang masel ni Gwapoging Popol ng kantula. “Namamunks ‘to. Banatan na ‘to.”
Ready to rumble na rin ang tropa ng mamang sipunin. Rumesponde ang mga Katipunero at naunahan pa nila ang barangay tulog este tanod. Umatras ang mga nagbabanta ng gulo pero agad din silang rumesbak. Dumahak ang uhuging impakto at nang suminghal ito, nakatulog sa nananadyak na hininga nito ang mga rebolusyonaryo. Pero bago pa tumayo ang banda bandido, nagsalita si sir X kantula. “Relaks lang mga kakantula, akong bahala. Hindi dapat maaksaya ang sabaw ng nilagang pakikibaka para sa walang kwenta.” Bumaling siya sa lalaking balahura. “Boy Uhog, dahan-dahan lang sa pagsinga.”
Nakatikom pa ang kamao, nagpahid ng ilong ang sigang naghahamon. “At bakit?!!!”
“Ek-ek mong bakit-baket! Kasi pag napalakas ang pagsinga mo, baka sumama sa sipon mo ang gakulangot mong utak. Gakulangot na nga lang utak mo, maisisinga mo pa, kawawa ka!”
Nagtawanan ang mga tao pati ang mga tropa ni Boy Uhog. Kahit napahiya, humirit pa rin ang siga. “Gago, tara dito at gugulpihin kita!”
“Uhugin ka na, bahugin ka pa, ako pa hahamunin mo! Straw lang ang katapat mo. Bigyan n’yo ‘yan ng straw,” ‘di man lang natinag si sir X kantula.
Nagkamot ng ulo si Boy Uhog, napahiran tuloy ng sipon ang kanyang ulo. “Bakit straw?”
“Gakulangot na nga lang utak mo, sipunin ka pa kaya lagi kang absent sa skul. Bobo! Pag di ka pa umalis, ipapahigop ko sa ‘yo ang ‘sininga mong uhog gamit ang straw!”
                Tumiklop sa kahihiyan si Boy Uhog. ‘Tinuloy ng kantula ang paghigop sa sabaw ng nilagang baka. Masarap pa namang itaktak at higupin ang malauhog na utak mula sa buto ng bulalo. Utak lang ang tawag pero ang totoo, ‘yun ay bone marrow.
Sa pakikibaka sa buhay, dapat taglay ang linamnam ng bulalo. Dapat mataba ang utak, masustansya ang imahinasyon. Nagtext minsan si John Lennon na missing in action (mula kasi ng sinabi n’yang ‘imagine there’s no heaven’ siya’y naging NPA at nawalan ng hantungan pagkamatay). Sabi sa text: Imagine. Nag text back ang banda bandido: Copy. Mapabanyo, mapakwarto, ang kantula po laging nag-iimagine, and it feels like heaven!
Nadaanan minsan ng banda bandido kantula ang inaakala’y mga comrade na mga kabataang nagrarali sa harap ng Mc Do. Sila raw ay mga anarko. Sabi naman ng isa, sila raw ay ‘funks’ (baka may p/f defect).
“Ano ang pinaglalaban n’yo?” tanong ng kantula.
“Ito ang tunay na pakikibaka. Nakikibaka kami para sa karapatan ng mga baka,” sagot ng isa sa kanila. Nakasulat nga sa mga placard nila ang “Itigil ang pagkatay sa mga baka!” at “Iboykot ang hamburger!”
Sabay-sabay silang sumigaw nang paulit-ulit. “Makibaka! We love baka! Makibaka!”
Hay naku, kaya kailangan talaga ng mataba ang utak sa pakikibaka. Mula ng maging makabagong katipunero ang banda bandido kantula sa kapangyarihan ng tabak at tibak, ang nakantula at naging tagahanga ay milyun-milyon na (69 million na daga sa lungga at 99 million na langgam sa lupa).
Naging masabaw na pakikibaka para sa kantula ang lumuwas araw-araw at bagtasin ang matrapik na EDSA para magrecord sa Tonequest at Dyna. Sa pagbagtas sa mga kanto’t kalyeng dinaanan ng mga himagsikan sa ating kasaysayan, mula sa Balintawak hanggang sa may Galleria, naalala ni sir X kantula ang love story nina Juan & Glory sa madamdaming EDSA. (the legacy of tita Cory is democracy, the legacy of the other lady is ‘I am sorry’; sabi ni Undertaker, rest in peace)


EDSA . . . (EDSA dot dot dot)  by kantula

Sa EDSA nagsimula, sa EDSA nawala
Sa EDSA nabuo, sa EDSA rin naglaho
Mga pangarap at pangako ng pag-ibig at paglaya
Sa EDSA umasa, sa EDSA rin nabigo

Romansa sa kalsada, halik-EDSA ‘86
Hangaring nabitin, damdaming nabaling sa ibang mapaglarong dila
Naonse kong puso sa katotohanang ‘tinago
Ayaw ng pagago sa moro-moro, sintu-sinto, at agogo
Hinagpis at himagsik, balik-EDSA ang nasa text
Muli kang nakita matapos mawala, labing-apat na taon

Sa EDSA nagkalapit, sa EDSA nagbalik
Sa EDSA umibig, sa EDSA rin umulit
Hinangad na pagbabago at hinanap na pag-asa
Sa EDSA nangarap, sa EDSA rin naganap

Ang Ina ng Galleria, pinuno ka ng grasya
Bukod kang pinagpala; sa taglay mong ganda, ako ay muling umasa
Glorya ba sa palasyo ay glorya rin sa puso ko?
Glory, ako si Juan, naaalala mo ba ang ating nakaraaan?
Sa iyong pagngiti, sabay-akbay na sinabi,
Guilty kung guilty, pwede ka bang mayayang kumain ng iced tea?

Glory, tayo na’ng magmartsa, EDSA hanggang Mendiola
Diretso sa altar, itim ang motif, ninang si Nanay Mameng.
Tinamaan ng kidlat, sa sagot mo’y nagulat,
Umurong ang dila, mata ko’y lumuwa, at nanggilid ang luha.
“Johnny, di ako sasama, hihintayin ko ang caravan
Galing probinsya sa pangunguna ng kagalang-galang kong asawa.”

Tutugon pa rin sa paghamon sa kalsadang makasaysayan
‘Di man tiyak ni Juan ang patutunguhan sa madramang lansangan.



SuperPinoy   by kantula

(Laban kung laban) Salubunging lahat ng banat at sapak
(Laban kung laban) Sa dagok ng buhay, dugo ma’y dumanak
(Laban kung laban) Kahit pa umiyak, kahit pa bumagsak
(Laban kung laban) Subsob ma’y susubok, susugod, sasabak

Super Pinoy, kung super ka, Super Pinoy, lumaban ka!

(Laban kung laban) Bugbog ang katawan, nakalog ang utak
(Laban kung laban) Nadurog ang puso, pati mukha wasak
(Laban kung laban) Kaluluwa’y pilay, pagkatao’y pisak
(Laban kung laban) Babangon, hahamon, babawi, reresbak

Super Pinoy, kung super ka, Super Pinoy, lumaban ka!

Matuto mula sa ‘yong pagkakamali
Bumangon, bumawi, subukan mong muli
Matapang ang lipi, buhay kang bayani
Palaban ang Pinoy, hindi pagagapi!

(Laban kung laban) Ilabas ang bigas, ipunin ang dugo
(Laban kung laban) Matapang, malapot, hindi matutuyo
(Laban kung laban) Bagsak man at bigo,  ‘di pa rin susuko
(Laban kung laban) Laylay man at lawit, titigas, tatayo

No comments:

Post a Comment